Pinatitiyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi dapat maging super spreader event ang mga lugar kung saan ipamamahagi ang mga ayuda.
Ito’y kasunod ng pagsisimula ngayong araw ng pamamahagi ng mga cash aid o ayuda para sa mga residente ng Metro Manila na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang Agosto 20,2021.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang NCRPO na mahigpit na ipatupad ang health at safety protocols sa mga lugar na una nang tinukoy ng mga Lokal na Pamahalaan kung saan nila ipamamahagi ang ayuda sa kanilang nasasakupan.
Sinabi pa ng PNP Chief, dapat alamin ng mga Pulis na ipakakalat sa mga lugar ng cash aid distribution ang sistema at iskedyul upang mapigilan ang pagdagsa ng mga tao.
Ininspeksyon din ni PNP Chief ang latag ng deployment ng mga pulis sa Ayuda distribution para matiyak na sapat ang seguridad sa lugar.
Nag-ikot si Eleazar sa iba’t ibang “Ayuda Centers” sa Metro Manila para tingnan ang sitwasyon at tiyaking maayos ang pamamahagi ruon ng mga ayuda para sa mga kababayang apektado ng ECQ.
Kasama ni Eleazar sa pag-iikot si JTF Covid Shield Commander Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson.
Kabilang sa mga Ayuda distribution areas na tinungo nina Eleazar sa Quezon City Area ay ang Benigno Aquino ES, Corazon Aquino ES at Balara ES (Optional).
Sa Manila area naman tinungo nito ang Manila High School at Marcelo Agoncillo Elementary School.
Tinungo din nito ang San Juan City at Mandaluyong City.
Kuntento si PNP chief sa naging latag ng deployment ng mga pulis at sa ipinapatupad na seguridad, hindi siksikan ang mga tao sa Ayuda center.
Ayon naman kay JTF Covid Shield Commander Lt Gen. Israel Ephraim Dickson walang naiulat na mga untoward incidents at smooth ang pamamahagi ng Ayuda.
Sinabi ni Dickson, well secured ng mga pulis ang mga Ayuda Distribution centers at ang mga pulis din ang nag kokontrol at nagma managed ng mga lugar.
Aniya, malaking bagay ang deployment ng mga pulis sa pagpapatupad ng social distancing at MPHS protocols.
” May mga naka deploy na mga PNP kaya well managed at controlled ang mga areas. PNP ang nag caution sa observance ng MPHS. Malaking bagay na visible mga PNP kaya tingin ko nag observe n dn mga tao sa social distancing at MPHS protocols,” mensahe na ipinadala ni Dickson sa Bombo Radyo.