Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga concerned PNP units na silipin ang mga posibleng problema sa pag transfer ng mga baril at body armor vests sa mga Police Regional Offices na tinukoy ng Commission on Audit (COA) sa kanilang audit report.
Siniguro ni Eleazar na kumikilos na ang PNP accounting division, Directorate for Comptrollership, at Directorate for Logistics para masiguro na ang lahat ng kagamitan ay na-deliver sa mga dapat nakatanggap.
Sinabi ni Eleazar na bineberipika na ng mga naturang tanggapan kung bakit hindi nag-ma-match ang mga records sa national headquarters sa records ng mga Police Regional Offices.
Ang mga regional offices na tinukoy ng COA ay ang: Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon, Miraropa, Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Cordillera Administrative Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Binigyang diin ni Eleazar na kailangang maitama ang mga rekord para matiyak na walang isyu sa pagdeploy ng mga armas at kagamitan.
Siniguro naman ni Eleazar sa COA na transparent ang PNP, kasabay ng pagtiyak na ang lahat ng kanilang gamit ay nai-deliver at “accounted for”.