Hindi umano magagarantiya ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na walang mamamatay sa kanilang pinalakas at agresibong anti-illegal drug operations.
Ayon kay Eleazar nakadepende kasi sa resulta ng operasyon kung nagkaroon ng fatalities at hindi ito kontrolado ng PNP kapag nagkaroon na ng sagupaan.
Aniya, kahit may mga naitalang casualties sa engkwentro mababa pa rin ang bilang ng mga ito kung ikukumpara sa mga nagdaang police operations.
Giit ni PNP chief lahat ng kanilang aksiyon ay sila ay accountable at responsable at para mabawasan ang mga alegasyon, sisimulan na nilang gamitin ang mga binili nilang body-worn cameras.
Sinabi ni Eleazar na kanila na lamang hinihintay ang protocol mula sa Supreme Court para kanila ng magamit ito sa kanilang mga operasyon.
Sa ngayon naipamahagi na ang nasa 2,696 body cam units sa iba’t ibang police stations sa NCR at maging sa mga city at provincial police office sa buong bansa.
Binigyang-diin din ni Eleazar na hindi niya ito-tolerate ang anumang pang-aabuso ng kaniyang mga tauhan laban sa mga sibilyan.
“Ako siguro mapalad na Chief PNP baka sa panahon ko itong matagal na pinag-uusapan na body cam ay magamit na natin kasi for so many chiefs of the PNP lahat ganun ang nangyayari, andaming inaayos pa pero kaya nga sinama ko rin yung nating DL dito pero sa ngayon as of the latest we have distributed the 2,696 body cam units to the different police offices but only for the city police stations pero yung municipal police stations wala pa. We need additional 32,136 units to include all other support units to complete the requirement of 34,832 so right now we have procured 7.7 percent pero ito naman ibibigay naman sa mga key cities,” pahayag ni Eleazar.
Samantala, pinapurihan naman ni Eleazar ang mga miyembro ng PNP Drug Enforcement group sa matagumpay nilang anti-illegal drug operation.
Sa nasabing operasyon, patay ang dalawang drug suspek kung saan tinataya ring nasa sa 22 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P169.6 milyon ang nasabat ng mga otoridad.
Tinawag na COPLAN CHAIN KNUCKLE ang operasyon na pinangunahan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), PDEA-NCR at Bureau of Customs sa Axis Road, Kalawaan, Pasig City kagabi.
Kinilala ni PDEG director Brig. Gen. Remus Medina, ang nasawing mga drug suspek na sina Arthur Abdul a.k.a. ABDUL at isa pang hindi nakilalang kasamahan nito.
Nabatid na ang mga napatay ay tauhan umano ng isang Michael Lucas Abdul na una nang naaresto sa buy bust operation sa Dasmariñas, Cavite noong Abril 26 at nag-o-operate sa NCR, Central at Southern Luzon.
Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon na isang alyas Bating na bodegero ng isang Tsino ang pinagkukuhanan ng iligal na droga ng mga napatay na suspek.