-- Advertisements --
Online Sabong 2

Itinuturing ng Philippine National Police na malaking breakthrough sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero sa lalawigan ng Laguna ang pagsuko ng tatlong dating pulis na dawit sa pagdukot kay e-sabong Master Agent Ricardo Lasco sa San Pablo City, sa bahagi pa rin ng nasabing probinsya.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek na kinabibilangan nina former patrolmen Rigel Brosas, Daryl Paghangaan, at Roy Navarette na sabay-sabay na nasibak sa serbisyo noong Disyembre 29, 2022 dahil sa kasong robbery, kidnapping, at serious illegal detention.

Aniya, welcome development para sa Pambansang Pulisya ang naging pagsuko ng tatlo para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon sa sunud-sunod na pagkawala ng mga sabungero na halos isang taon na ang nakakalipas nang magsimula itong mapaulat.

Kaugnay nito ay umaasa rin si Azurin na mas mapapabilis pa ang kanilang pagresolba sa naturang kaso lalo na aniya kung makikipagtulungan ang mga ito sa kanilang imbestigasyon upang malaman na talaga kung ano ang totoong kwento at nangyari sa likod ng nasabing krimen upang matukoy na kung sino talag ang utak dito para na rin sa hustisyang matagal nang inaasam ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero.

“We are looking a good breakthrough especially if they [suspects] are going to cooperate because medyo matagal na itong problema natin sa missing e-sabong na iniimbestigahan in the hope na itong mga pulis natin na ito would really cooperate and sabihin nila ano ba ang nangyari para nang sa ganun magkaroon ng hustisya yung mga nawawalang mga pamilya nung mga complainant natin which the family of these missing e-sabong. Sana ay nag-surrender na lang rin lang sila, eh tulungan na nila ang kapulisan para malaman natin kung ano ang totoong kuwento doon.” ani Azurin.

Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni PNP chief na handa ang Pambansang Pulisya na bigyan ang mga suspek at kanilang pamilya ng kaukulang proteksyon sakaling mapatunayan na hindi ganon kalaki ang kanilang pamilya ng kaukulan proteksyon sakaling mapatunayan na hindi ganon kalaki ang kanilang naging partisipasyon sa nasabing kaso.

“Even yung pamilya ng mga dating pulis na ito, they are also afraid for their security except for Pat. [Rigel] Brosas na wala pa siyang pamilya, voluntary rin siya nag-surrender. So in the event na they would need the security of their family, the PNP will provide for them.” dagdag pa niya.

Kung maaalala, sumuko sina Paghangaan at Navarette sa PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group matapos na makipagnegosasyon sa mga otoridad ang kanilang mga pamilya.

Una nang inihayag ng PNP na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pumunta sa bahay ni Lasco ang mga suspek at nagpanggap na mga agent ng National Bureau of Investion (NBI).