-- Advertisements --
pnp chief azurin

Tiniyak ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na magiging patas ang committee of 5 advisory group sa pagsasala sa mga 3rd level officials ng Pambansang Pulisya na tumugon sa panawagang pagbibitiw sa serbisyo ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. bilang bahagi ng internal cleansing sa buong hanay ng Kapulisan.

Ipinahayag ito ni Azurin kasunod ng pagsasapubliko ni Interior Secretary Abalos sa mga pangalan ng mga personalidad na napili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maging bahagi ng naturang 5-man advisory group.

Ayon sa hepe ng Pambansang Pulisya, isang karangalan ang pagtatalaga sa kaniya ng pangulo na mapabilang sa komite na magsusuri sa mga heneral at koronel ng PNP na bahagi ng paglilinis ng buong hanay nito.

Aminado si Azurin na batid niya ang hamong kakaharapin sa panibagong yugtong ito sa kaniyang buhay at tungkulin dahil isa aniya siya sa mga hahatol sa kapalaran ng mga pulis na mapapatunayang may kaugnatay sa kalakalan ng ilegal na droga.

Ngunit gayunpaman ay tiniyak niya na magiging patas, makatuwiran, at makaturangan ang magiging rekomendasyon ng committee of five ukol dito.

Samantala, bukod dito ay nagpasalamat naman si Azurin sa tiwalang ibinigay ng pangulo, at sa suporta sa kaniya ni Interior Secretary Abalos para sa layunin nito para sa kapakanan ng buong hanay ng Pambansang Pulisya.