-- Advertisements --
AZURIN

Aminado si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na nagkaroon ng lapses sa panig ng pulisya hinggil sa nangyaring hostage taking kahapon kay dating Sen. Leila De Lima sa PNP Custodial Center.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw dito sa Camp Crame ay inamin ni Gen. Azurin na bahagyang naging kumpiyansa ang pulisya partikular na sa paghahatid ng pagkain sa mga persons under police custody (PUPCs) na mag-isa lamang ginagawa ng mga pulis na naka-assign dito.

Ito yung itinuturong dahilan kung bakit nasaksak ng improvised na kutsilyo si Police Corporal Roger Agustin noong tangkaing tumakas ng tatlong PUPCs na kapwa mga miyembro ng teroristang grupo na Abu Sayyaf.

Paliwanag ni Azurin, ilang taon na raw kasi nilang ginagawa na mag isa lang yung naghahatid ng pagkain sa mga detainees sa naturang custodial center kaya aniya napagplanuhan na ng tatlong detinado ang kanilang tangkang pagtakas.

Dahil dito ay inatasan na rin ng PNP chief ang lahat para sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa PNP Custodial Center upang maiwasan nang maulit muli ang ganitong klase ng mga insidente.

Kung maaalala, una nang inihayag ng PNP at DILG ang pagkakakilanlan ng tatlong preso sa custodial center na nagtangkang tumakas na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan, at Feliciano Sulayao Jr. na pare-parehong miyembro ng Abu Sayyaf Group.