Hinikayat ngayon ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga subscriber identity module o SIM card sellers na ilista ang mga pangalan at tignan ng mga ito ang mga identification documents ng kanilang mga customers na bumibili ng mga SIM card.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng pagtulong sa umiiral ngayon na SIM card registration para sa pagsugpo sa laganap na text scams ngayon sa bansa.
Ayon kay PNP chief Azurin, ang paglilista raw ng mga pangalan at pagche-check sa mga government issued ID ng mga ito ay upang matiyak kung lehitimo ba o hindi ang mga dokumentong kanilang ipinapakita.
“Siguro yung mga nagbebenta ng mga SIM cards, i-register na rin nila sino ba yung bumili ng SIM card and then anong pangalan, titingnan yung government issued ID para sigurado na yung probability na fake yung government issued ID ay medyo much lesser para ire-report rin nila sana sa Globe or Smart or kung anong mga telecom companies para at least kung hindi man nila i-register, tayo na mag-register kasi sila naman ang bumili sa atin eh” ani PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr.
Ipinahayag ito ni Azurin sa gitna ng mas maigting na monitoring ng PNP-Anti Cybercrime Group laban sa online at text scammers sa bansa.
Kasabay nito ay sinabi rin ng hepe ng Pambansang Pulisya ang patuloy na pagtugon nito sa kanilang tungkulin na imbestigahan at sampahan ng mga kaukulang kaso ang sinumang mapapatunayang sangkot sa scamming.
Kaugnay nito ay hindi rin aniya lusot sa kanila ang mga violators na hindi magpaparehistro ng kanilang mga SIM card katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pag-iimbestiga at gayundin sa pagpapalaganap pa ng awareness campaign laban sa mga scams na ito upang hindi na ito makapangbiktima pa ng maraming mga Pilipino.