-- Advertisements --
pnp chief rodolo azurin jr 1

Isiniwalat ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na kasama rin sa kaniyang bucket list ang bumisita at makipag-usap sa ngayo’y caretaker ng Pilipinas na si Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Azurin, nais niyang makausap ang bise presidente hindi lamang bilang isang ikalawang pinakamataas na pinuno sa bansa kundi pati na rin bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng kaniyang pagpapaigting pa sa pagpapatupad ng peace and security sa bansa partikular na sa mga estudyanteng nasa mga paaralan.

Samantala, sa kabilang banda ay muling dumipensa si Azurin sa kaniyang una nang naging pahayag na mabigyan pa ng ikalawang pagkakataon ang mga kriminal para makapagbagong buhay.

Kasunod ito ng sinabi ni Vice President Duterte na dapat ay “show no mercy” pagdating sa mga kriminal at terorista.

Ayon sa PNP chief, iba-iba ang maaaring maging konteksto ng “no mercy” na pahayag ng bise presidente at para sa kaniya ito ay ang agad na pag-aresto at pagkulong sa mga kriminal ng naaayon pa rin sa rule of law.

Magugunita na una nang sinabi ni PNP chief Azurin na hindi kailangang takutin ang nga kriminal at hindi palaging dapat may namamatay sa mga operasyon ng pulisya.

Kasabay ito ng kaniyang paninindigan na kailangang manaig ang rule of law sa mga operasyon ng PNP kung saan tiniyak niya na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mahuli, makasuhan, at maparusahan ang mga indibidwal na lumalabag sa batas.