Tiniyak ni Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. na magpapatupad siya ng balasahan sa mga pulis na mayroong mga kamag-anak na tatakbo sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong taon.
Aniya, ito ay upang maiwasan na maka-impluwensya ang mga ito sa magiging resulta ng naturang lokal na halalan.
Ayon kay Acorda, bukod sa mga pulis na mayroong kamag-anak na kandidato ay ililipat din niya ng assignment ang pulis na mayroong kaibigan at malalapit na kakilalang mga tatakbo sa naturang eleksyon.
Ang paglilipat aniya ng assignment ng mga ito ay isasagawa bago ang ipatutupad na banning period para sa transfer at detail ng mga public officials at employees.
Samantala, bukod dito ay ipina-utos rin ng heneral sa mga opisyal ng Police Regional Offices na magsumite ng kanilang mga deployment plan sa mga voting precincts upang malaman kung ano-anong mga lugar ang kinakailangang madagdagan pa ang puwersa ng kapulisan.
Kasabay nito ay nagpapatuloy din ang isinasagawang pangangampanya at pagtugis ng Pambansang Pulisya kontra private armed groups, rebeldeng komunistam at sa mga most wanted persons partikular na ang mga indibidwal na ginagamit sa mga gun for hire.