-- Advertisements --

Bumili ng mas maraming baril, sasakyan at iba pang kagamitan ang PNP na nagkakahalaga ng mahigit P571 milyon bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang operational capabilities ng police force ng bansa.

Sinabi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. na ang P571,295,695 na ginastos sa pagbili ng kagamitan ay galing sa Capability Enhancement Programs mula 2020, 2022, at 2023, bukod pa sa General Appropriations Fund mula 2021 at 2022.

Ang mga inihatid sa PNP ay 80 units ng light transport vehicle; 10 unit ng Advanced Life Support Ambulances; 3,000 unit ng 5.56mm Basic Assault Rifle; 4,147,266 rounds ng cartridge 9mm Ball; 5,816,824 rounds ng 5.56mm Ball SS109; 369 units ng Digital Mobile Radio, at 1,416 units ng enhanced combat helmet.

Ayon kay Acorda, ang mga pagbili na ito ay nagmamarka ng isang makabuluhang hakbang tungo sa isang mas may kakayahan at modernong puwersa ng pulisya, na nakatuon sa pagtataguyod ng tuntunin ng batas at pangangalaga sa bansa.

Dagdag pa niya na ito ay sumasagisag hindi lamang sa pag-upgrade sa mga resources kundi pati na rin ng isang hindi natitinag na dedikasyon sa mga prinsipyong gumagabay sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

Una nang binigyang diin ni Acorda ang pangako na itaguyod ang panuntunan ng batas, protektahan ang mga komunidad, at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan ay nananatiling matatag para sa bansa.