-- Advertisements --

Ibinida ng PNP Anti-Cybercrime Group na nakapagtala ito ng 40% na pagbaba sa bilang ng mga kaso ng online scams sa bansa noong buwan ng Enero.

Ito ay matapos na makapagtala ang naturang hanay ng kapulisan ng 624 na pagbaba ng online scam cases noong nakaraang buwan mula sa 1,054 na mga kasong naitala noong Enero 2023.

Ayon kay ACG Director Police Brig. Gen. Sydney Sultan Hernia, bunga ito ng mas pinaigting na cyberpatrolling ng ACG kung saan pinalalawak pa nila ang kanilang presensya sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga bagong tanggapan sa iba’t ibang rehiyon, probinsya at distrito, kasabay ng paglalagay ng Cybercime desks sa bawat police station.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman niya na nagpapatuloy ang pagsasailalim ng PNP personnel sa mga pagsasanay para sa layuning mapalakas pa ang kakayahan ng mga ito kontra cybercrime.

Samantala, kasabay nito ay patuloy ding hinihimok ni Bgen. Hernia ang taumbayan na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng aktibong pagsusumbong ng mga insidente ng Cybercrime upang agad maaksyunan.