-- Advertisements --
image 373

Nakiisa na rin sa panawagan ang samahan ng PMAers o Philippine Military Academy (PMA) graduates sa Philippine National Police (PNP) sa paghimok sa 11 pang police senior officers na magsumite ng kanilang courtesy resignation bago ang deadline sa Enero 31 bilang bahagi ng agresibong kampaniya upang malinis ang hanay ng pambansang pulisya mula sa kalakalan ng iligal na droga.

Inihayag ni Police Maj. Gen. Valeriano T. De Leon, presidente ng Police Cavaliers Association, Inc., na ang pagsusumite ng courtesy resignation na magbibigay daan para sa pagsala ng mabuti at evaluation sa lahat ng full colonels at generals sa PNP ay alinsunod sa itinuro sa PMA tungkol sa katapangan, integridad at katapatan para sa pagsisilbi sa sambayanang Pilipino.

Nagpahayag din ng buong suporta ang PMA Cavaliers Association sa panawagan ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr.

Pinasalamatan din ni De Leon ang PMAers na pinangunahan ng apat na matataas na police official ng PNP na nakapagsumite na ng kanilang courtesy resignation.

Una rito, tanging 11 na lamang mula sa 956 third level officers ng PNP ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation, ilan dito ay PMA alumni habang nasa tatlo naman ang mga heneral na nakatakdang magretiro na sa darating na Enero 31 kasabay ng deadline.