BAGUIO CITY – Isasara ng dalawang araw ang Philippine Military Academy (PMA) sa mga turista para sa isasagawang pagdadalamhati sa pagkamatay ng isang fourth class cadet.
Una nang nakilala ang kadete na si Cadet 4th class Darwin Dormitorio, 20-anyos, mula Cagayan De Oro City at nasa Echo Company.
Ayon kay Major Reynan Afan, information officer ng akademya, isasara mula sa mga turista ang PMA ngayong araw, September 21 at bukas, September 22 para mabigyang pagkakataon at privacy ang pamilya at mga mahal sa buhay ni Cadet Dormitorio na magdalamhati.
Sa ngayon, nasa akademya ang bangkay ng kadete kung saan plano ng pamilya nito na i-cremate ang bangkay bago iuwi pabalik sa Cagayan de Oro.
Samantala, iniaapela ng pamilya Dormitorio ang agarang hustisya sa pagkamatay nito matapos kumpirmahin ng akademya na hazing o maltreatment ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Cadet Dormitorio batay sa forensic autopsy sa bangkay kung saan nadiskobre sa otopsiya na lubhang pinahirapan ito sa pamamagitan ng mga suntok at sipa.
Kinokondina naman ng PMA ang nangyaring hazing at sinabi nila na kailangang maparusahan ang mga responsable na lumabag sa Anti-Hazing Act of 2018.
Sa ngayon, nasa holding center ng akademya ang isang cadet first class at dalawang cadet third class na persons of interest sa krimen kung saan nahaharap ang mga ito ng kasong kriminal at administratibo.
Iniimbestigahan pa ng PMA ang 20 pang mga kadete na mga testigo sa ginawang hazing habang kasama ding iniimbestigahan ang doktor na unang nang-check-up kay Cadet Dormitorio at iba pang opisyal ng akademya dahil sa naging lapses ng mga ito.