-- Advertisements --

Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na tuluyan nang inihain para sa ‘preliminary investigation’ ang ilang mga kaso laban kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda. 

Ayon kay Ombudsman Remulla, ang mga reklamong isasailalim sa ‘preliminary investigation stage’ ay ang plunder, graft, at conflict of interest. 

Kaugnay aniya ang mga reklamong ito sa Solar firm o kumpanya ng mambabatas na bigong tuparin ang pangako o responsibilidad makapagbahagi ng ‘Solar energy’ para sa bansa. 

Paliwanag ng tanodbayan kung bakit kasama maging ang nanay ng mambabatas na si Sen. Loren Legarda sa kaso ay dahil sa paggamit umano nito ng posisyon bilang ‘chairman’ noon ng Senate Finance Committee para mabigyan ng prangkisa si Rep. Leviste. 

Depensa ni Ombudsman Remulla na hindi masasabing may impluwensya ito ng pulitika sapagkat masusi naman daw itong pinag-aralan. 

Itinuring ng opisyal ang naturang kaso bilang ‘ghost electricity’ kung saan aabot sa higit sampung bilyon piso ang pinag-uusapan nawalang benepisyo sana para sa Pilipinas.