Tumaas pa hanggang 2,400 meters ang plume na naitala sa bulkang Taal ngayong araw ng Lunes mula sa 1,800 meters na naobserbahan noong araw ng Linggo.
Base sa latest bulletin, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na napadpad ang plumes sa kanluran-hilagang kanluran at hilagang kanlurang direksiyon.
Naobserbahan din ang kabuuang anim na volcanic earthquake kabilang ang iang volcanic tremor sa bulkan sa nakalipas na 24 oras kung saan nagtagal ang pagyanig sa bulkan ng hanggang apat na minuto.
Nasa mahigit 9,000 tonelada naman ang ibinugang sulfur dioxide ng bulkan.
Nakapagtala rin ng upwelling ng mainit na volcanic gas o lakas ng pagsingaw mula sa bunganga ng bulkan.
Naobserbahan din sa bulkan ang panandaliang pamamaga ng kanlurang bahagi ng Taal volcano island at matagal na deflation ng Taal Caldera.
Bunsod nito, nakataas pa rin ang Alert level1 o low level unrest sa bulkan at ipingababawal ang pagpasok sa permanent danger zone ng taal volcano island lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures.
Ipinagbabawal din ang pamamalagi at paglaot sa lawa ng Taal at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Ito ay bilang pag-iingat sa posibleng biglaang malakas na pagsabog, pyroclastic density currents o base surge, volcanic tsunami, ashfall, pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas.