Binuweltahan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco si Speaker Alan Peter Cayetano kasunod nang hirit na mabigitiw bilang lider ng Kamara, bagay na tinanggihan ng mga kongresista sa naganap na botohan sa plenaryo ng kapulungan kahapon.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Velasco na nangako si Cayetano sa pulong nila sa Malacanang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 29 na sa Oktubre 14 pa magbibitiw bilang lider ng Kamara matapos na sabihan siya na galangin at sundin ang term-sharing agreement.
Ito ay para na rin hindi aniya maantala ang pagdinig ng Kamara sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
Base sa gentleman’s agreement daw na binuo ni Pangulong Duterte, si Cayetano ay uupo bilang speaker ng Kamara sa loob ng 15 buwan habang si Velasco naman ay may 21 buwan.
Nagpasalamat naman si Velasco kay Cayetano dahil kinumpirma nito sa kanyang privilege speach kahapon, Setyembre 30, na siya na ang uupo sa speakership post sa Oktubre 14.
Pero nakakapanghinayang aniya na nasuspinde pa ang plenary deliberations sa 2021 budget dahil lamang sa “political maneuverings” at “theatrics” ni Cayetano.
Gayunman ay nanawagan si Velasco sa mga kapwa niya kongresista na sikapin na aprubahan ang budget bago sumapit ang Oktubre 14 sapagkat ito aniya ang kanilang naging commitment kay Pangulong Duterte.
Kahapon, sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Cayetano na panahon na para patunayan ni Velasco ang sinasabi nitong kahandaan para maupo bilang susunod na lider ng Kamara.
Pero iginiit ni Cayetano na hindi basta-basta makukuha ni Velasco ang inaasam nitong puwesto sapagkat kailangan nitong makakuha muna ng sapat na boto mula sa mga kapwa kongresista.
Banat pa ni Cayetano, hindi mananalo si Velasco sa botohan, at kung palarin man, maari aniyang isang linggo lang din ang itatagal nito sa speakership post.
Sa huli, humirit si Cayetano na huwag nang hintayin ang Oktubre 14 sapagkat siya ay handa nang bumaba sa puwesto.
Hindi pa man nakakaalis si Cayetano sa plenaryo ng Kamara ay kaagad na tumayo ang mga kaalyado nito na si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor para magmosyon na ibasura ang alok na resignation ng lider ng Kamara, bagay na sinusugan naman ni Bulacan Rep. Jonathan Sy Alvarado.
Sa naganap na nominal voting, 184 na kongresista ang tumutol sa resignation ni Cayetano, 1 ang pumabor at siyam naman ang nag-abstain.
















