Nagpahayag ng pagkabahala ang grupo mangingisda sa posibleng pagpapatuloy ng dalawang reclamation projects sa Manila Bay.
Katwiran ng grupong Pamalakaya na nagiging hadlang sa production growth ang reclamation projects kung saan lumalabas sa nakalap na datos na kakaunti ang suplay ng mga isda sa mga lugar kung saan isinasagawa ang reclamation at dredging projects.
Base sa Fisheries Situation Report ng Philippine Statistics Authority, sinabi ng Pamalakaya na mayroong pagbaba sa ilang species ng isda sa mga lugar sa Cavite kung saan nagpapatuloy ang reclamation projects sa pagitan ng 2019 at 2022.
Kabilang dito ang mga Alimasag, alamang, samaral, sapsap at dilis.
Una rito, noong nakalipas na linggo, inanunsiyo ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang plano na ipagpatuloy ang 2 reclamation projects sa Manila Bay sa kalagitnaan ng 2024.
Ito ay ang 90-hectare project sa Bacoor, Cavite, at 30-hectare project ng Philippine Fisheries Development Authority sa Navotas.
Ayon sa PRA, layunin ng mga proyektong ito na mapataas ang marine goods output at para mapahusay pa ang seguridad ng pagkain sa bansa.