Nabigo ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa kanilang planong pagpapasabog sa Basilan.
Ito’y matapos natunton ng militar ang pinagkukutaan ng teroristang grupo at nakasagupa kaninang madaling araw sa Barangay Calang Canas, Maluso.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WesMinCom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagtipon-tipon ng mga bandidong Abu Sayyaf kaya agad sila naglunsad ng opensiba ang operating units ng 68th Infantry Battalion.
Tinukoy ni Sobejana ang grupo ni ASG leader Furuji Indama ang nagpaplanong maghasik ng karahasan.
Aminado ang heneral na nais na naman magpapansin ng teroristang ASG sa probinsya pero tiniyak na hindi magtatagumpay ang mga ito.
Ayon sa heneral, mga “remnants” ngAbu Sayyaf ang magtatanim sana ng mga improvised explosive device (IED).
Walang naitalang casualties sa hanay ng mga sundalo, subalit may nakitang mga bakas ng dugo sa panig ng teroristang grupo.
Una nang inihayag ng WesMinCom chief na nagsasagawa lamang ng clearing operations ang mga militar nang makaengkuwentro ng mga sundalo ang nasa 15 ASG members sa Barangay Calang Canas, Maluso, Basilan.
Tumagal hanggang alas-5:00 ng madaling araw ang labanan.