Nilinaw ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na hindi lihim ang planong pagtanggap ng mga Afghan refugee at hindi pa inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Malacañang na nagsagawa ng “technical coordination meeting” ang Presidential Management Staff (PMS) kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno noong unang bahagi ng nakalipas na linggo para talakayin ang panukala ng US na pansamantalang kupkupin ang mga Afghan refugee dito sa Pilipinas.
Ang pagpupulong noong Hunyo 7 ay unang ibinunyag ni Sen. Imee Marcos noong Biyernes pamamagitan ng paghahain ng isang resolusyon na nananawagan para magsagawa ng pagsisiyasat para sa masusing plano upang pagbigyan ang kahilingan ng US na magbigay ng ligtas na matitirhan ang mga Afghan supprters ng Amerika na tumakas mula sa pamumuno ng Taliban na namumuno ngayon sa gobyerno ng Afghanistan.
Pinuna din ng kapatid ng Pangulo at chair ng Senate foreign affairs committee na si Senator Imee Marcos ang Presidential Management Staff dahil sa hindi ipinaalam sa publiko ang tungkol sa pagpupulong at inihayag na isinasapinal na umano ang isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos upang ma-accommodate ang hindi pa tiyak bilang ng mga Afghan.
Noong Sabado, ibinahagi ni Marcos ang isang kopya ng tala mula sa isa sa kanyang “anonymous” na mga source sa DFA na nagsabing si Romualdez ang umano’y nagsusulong ng kasunduan sa mga Afghan refugees.
Giit naman ni Romualdez na ang plano para ma-accommodate ang mga Afghan ay hindi isang sekreto at kasalukuyang pinag-aaralan ng iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno.
Kinumpirma niya ang impormasyon mula sa source ng senador na ginawa ng Estados Unidos ang panukala noong huling bahagi ng nakaraang taon ngunit ang MOA ay isinasailalim sa pag-aaral bago isumite para sa huling pag-apruba o isumite sa Cabinet security cluster.