Inihayag ng pinuno ng US intelligence na walang ebidensya na ang Covid-19 virus ay nilikha sa Wuhan research lab ng gobyerno ng China.
Sa isang declassified na ulat, sinabi ng Office of the Director of National Intelligence (ODNI) na wala silang impormasyon na sumusuporta sa kamakailang pag-aangkin na ang tatlong scientists sa lab ay ilan sa mga pinakaunang nahawahan ng Covid-19 at posibleng sila mismo ang lumikha ng virus.
Batay sa intelligence na nakolekta ng iba’t ibang member agencies ng US intelligence community (IC), sinabi sa ulat ng ODNI na ang ilang mga scientists sa Wuhan lab ay gumawa ng genetic engineering ng mga coronavirus na katulad ng Covid-19.
Ngunit ang US ay “walang impormasyon” na nagpapahiwatig na ginawa nila ang ganoong gawain sa partikular na Covid-19 na virus, na kilala bilang SARS-CoV-2, o sa anumang “close progenitor, o isang backbone virus na malapit sa pinagmulan ng pandemya.”
Sinasabi ng ilang mambabatas na ang virus ay nilikha mula sa tinatawag na gain-of-function na genetic engineering research sa Wuhan, at ang Beijing ay pinagtatakpan ang ebidensya upang ipakita na ito ay isang sakit na gawa ng tao.