Inihayag ng pinuno ng Liga ng mga Barangay (LnB) na pumayag ang grupo sa panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa susunod na taon.
Sinabi ni Liga ng mga Barangay (LnB) national president Dr. Eden Chua Pineda na bukas ang grupo sa pagpapaliban ng BSKE dahil maraming barangay officials ang hindi nakatapos ng kani-kanilang mga proyekto matapos magsilbi bilang frontliners sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Sa mahigit dalawa at kalahating taon ng pandemya, ipinahayag ni Pineda na ang mga opisyal ng barangay ay hindi nakapagpatupad ng mga programang pangkaunlaran at mga proyektong pang-imprastraktura sa kani-kanilang mga lugar, at nais nilang matapos ang mga ito ngayong bumuti na ang sitwasyon.
Dagdag pa ng LnB chief, pabor siya sa panukala ng ilang mambabatas para sa extension ng termino ng barangay at SK officials hanggang anim na taon mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Ipinunto rin ni Pineda na ang mas mahabang termino para sa mga opisyal ng barangay ay malaking tulong sa pagpapaunlad ng seguridad at peace and order measures sa komunidad.
Nabanggit niya na ang mga sigalot maging sa mga miyembro ng pamilya ay karaniwan sa panahon ng halalan sa barangay dahil sinusuportahan nila ang mga kalabang kandidato o partidong politikal.