Pumalo na sa P3.43 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Ursula pagdating sa imprastraktura at agrikultura sa bansa.
Sa kanilang pinaka-latest na situation report, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong araw na umakyat pa sa ₱3,435,725,790 ang kabuuang halaga ng danyos mula sa dating ₱1,194,009,546.
Tinukoy ng NDRRMC mula sa reports ng Department of Agriculture at operations center ng mga regional offices na naitala ang mga pinsalang ito sa Mimaropa, Regions 5,6,7 at 8.
Aabot sa 446 na paaralan, 32 health facilities, at 84 na government facilities ang partially damaged, habang 22 government facilities naman ang totally damaged ng dahil sa Bagyong Ursula.
Samantala, umakyat din sa 362 ang bilang ng mga nagtamo ng injuries, mas mataas sa nauang report na 143.
Nanatili naman sa 50 ang bilang ng mga nasawi, habang 55 ang patuloy pa ring pinaghahanap hanggang sa ngayon.
Kabuuang 600,142 pamilya ang apektado ng naturang bagyo, o katumbas ng 2,431,821 indibidwal sa 2,702 barangay sa limang rehiyon, kabilang ang Caraga.
Sa naturang bilang, 19,553 pamilya ang nananatili pa rin hanggang sa ngayon sa mga evacuation centers.
Disyembre 28 nang makalabas ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Ursula.