Aabot na agad sa Php1.3-billion ang katumbas na halaga ng pinsalang idinulot ng El Niño phenomenon sa buong bansa sa unang bahagi pa lang ng buwan ng Marso ng taong kasalukuyan.
Batay sa impormasyong inilabas ng Department of Agriculture, as of March 12, 2024 ay nasa 14,142 hectares na ng sakahan ng palay ang napinsala nang dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon kay DA spokesperson Asec. Arnel De Mesa, kabilang ang Western Visayas, Zamboanga, at Ilocos sa mga pangunahin lugar na apektado ng El Niño phenomenon.
Gayunpaman ay nilinaw pa rin ng opisyal na ang datos na ito ay maituturing pa rin na mas maliit kumpara sa pinsalang idinulot ng El Nino sa bansa noong taong 1997 at 1998.
Aniya, sa kabila nito ay tiniyak naman ng DA na mayroon silang nakahandang water management interventions, na kinabibilangan ng solar irrigation at alternate wetting and drying strategy. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)