Umabot na sa P1.91 billion ang halagang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat at mga nagdaang bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa pinakahuling assessment ng mga regional office, nasa 61,237 magsasaka ang naapektuhan, habang mahigit 54,611 ektarya ng agricultural areas ang napinsala.
Tinatayang 7,772 metric tons naman ng agricultural commodities ang nawala sa produksyon.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay, na umabot sa P1.07 billion, habang nasa P610.32 million naman ang naitalang losses sa high-value crops.
Kabilang sa mga naapektuhang pananim ang mga gulay, spices, legumes, prutas gaya ng avocado, calamansi, citrus, durian, lanzones, mangosteen, melon, papaya, pineapple, rambutan, strawberry at watermelon, pati na rin ang saging, mangga, root crops at ornamental crops.
Nasa P92.68 million naman ang pinsala sa mais, habang P23.62 million ang losses sa cassava production.
Samantala, umabot sa P16.27 million ang pinsala sa livestock, kabilang ang mga manok, baboy, baka, kalabaw, kambing, tupa, pato, kuneho at iba pang alagang hayop.
Nasira rin ang mga irrigation facilities na nagkakahalaga ng P60.96 milyon, habang nasa P16.37 million ang pinsala sa farm structures at P1.91 million sa machinery at equipment.
Sa fisheries at aquatic resources naman, umabot sa P9.26 million ang naitalang losses.
Bilang tulong sa mga apektadong magsasaka, sinabi ng DA na mayroong P237.99 million halaga ng agricultural inputs, kabilang ang binhi ng palay, mais at gulay, na maaaring ipamahagi.
Maaari rin silang makakuha ng pautang na hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery o SURE Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council.
Samantala, magbibigay ang National Food Authority ng 3,631 bags ng milled rice sa mga apektadong local government units sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at MIMAROPA.
Nag-deploy din ang DA ng mga KADIWA trucks para sa transportasyon ng agricultural commodities at paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar.















