Patuloy pang lumalawak ang nagiging pinsala sa agrikultura na dulot ng nagpapatuloy na shear line na nararanasan sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa Department of Agriculture, sa ngayon ay umabot na sa kabuuang Php136.57-million ang halaga ng pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura.
Ito ay matapos na makapagtala ang naturang kagawaran ng nasa 1,141 metric tons na production loss sa nasa 9,043 hectares ng mga agricultural areas na apektado ng shear line tulad na lamang ng mga palayan.
Sabi ni DA Asec. Arnel De Mesa, ang pagsalubong raw ng mainit at malamig na hangin ang sanhi ng mga pag-ulan na patuloy na nararanasan ngayon sa ilang bahagi ng Pilipinas partikular na sa North at Central Mindanao.
Ngunit gayunpaman ay tiniyak ng opisyal na handa ang kanilang kagawaran sapagkat sa ngayon ay mayroon nang nakahandang Php18.50-million na halaga ng palay, mais, at iba pang mga binhi ng gulay ang naka-standby sa oras na makapaghanda nang muli ang mga kababayan nating magsasaka na muling magtanim.
Bukod dito ay nag-alok na rin aniya ang pamahalaan ng Survival and Recovery Loan Program para sa mga apektadong magsasaka mual sa Agricultural Credit Policy Council na mayroong loanable amount na nagkakahalaga hanggang Php25,000 at payable sa loob tatlong taon na mayroong zero interest rate.
Samantala, sa ngayon ay tinatayang aabot na sa 7,000 na mga magsasaka ang apekltado ng walang humpay na pag-ulan na dulot ng shear line.