Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit P1.23 billion na ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa dahil sa El Niño phenomenon.
Sa latest situation report ng ahensiya, ang Western Visayas ang pinakamatinding nasalantang rehiyon na nakapagtala ng P678.7 milyong pinsala sa agrikultura, sinundan ito ng Mimaropa (PHP319.7 million); Cagayan Valley (PHP180.4 million); Ilocos (PHP54.4 million); Calabarzon (PHP2.75 million) at Zamboanga Peninsula (PHP717,527).
Bunsod nito, nasa kabuuang 29,409 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang kabuhayan habang pumalo na sa kabuuang 26,731.4 ektarya ng sakahan ang nasira.
Sa kabuuang lawak ng pinsala, nasa mahigit 11,000 ektarya ang totally damaged o wala ng tiyansa pa na makabawi pa mula sa epekto ng El Nino habang mahigit 15,000 ektarya naman ang partially damaged o maaari pang makarekober at tamnan muli.