CAUAYAN CITY – Umabot sa P2 billion ang halaga ng mga nasirang pananim na mais sa Region 2 dahil sa tagtuyot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations and Extensions ng Department of Agriculture (DA) Region 2, sinabi niya na maraming napinsalang mais sa rehiyo noong buwan ng Hulyo dahil naging madalang ang pag-ulan.
Sa 221,315 hectares na nataniman sa buong rehiyon dos ay umabot na sa 77,951 hectares ang partially damaged habang 10,667 hectares ang totally damaged at sa kabuuan ay 88,619 hectares.
Ayon kay Dr. Busania, Isabela ang may pinakamaraming napinsala na 51,837 hectares na partially damaged habang ang totally damaged ay 4,365 hectares at sa kabuuan ay 56,203 hectares.
Sumunod ang Cagayan na may 13,514 hectares na partially damaged habang ang totally damaged ay 4,312 at sa kabuuan ay 17,826 hectares.
Pangatlo ang lalawigan ng Quirino na may partially damaged na 10,009 hectares habang ang totally damaged ay 1,750 at sa kabuuan ay 11,759 hectares.
May naitala rin ang Batanes na 12.9 hectars na totally damaged.
Ayon kay Dr. Busania, humiling na ng hybrid seeds na ayuda ang kanilang regional director sa central office ng DA para sa mga naapektuhang magsasaka.
Kung maaprubahan ito ay sa dry season na ipapamahagi ang ayudang binhi.
Umaasa ang DA Region 2 na maging tuluy-tuloy na ang ulan na nararanasan sa rehiyon para maulanan ang mga mais na nasa vegetative stage pa lamang.