-- Advertisements --

(3rd update) Tuluyan na ngang nakaalis sa bansa si US Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ngayong araw ng Linggo, September 13.

laude pemberton

Sa kumpirmasyon ni Dana Sandoval na siyang tagapagsalita ng Bureau of Immigration (BI), eksakto alas-9:14 ngayong umaga nang umalis na ang military plane lulan si Pemberton.

Una kanina, pinaniniwalaan pa lamang na lulan ng van si Pemberton na umalis mula sa kanyang piitan sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City.

Mabilis ding nakarating ang convoy sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport terminal 3.

Ang tuluyang pag-alis sa bansa ng 25-anyos na dating sundalo ay isang araw matapos lumabas na ang resulta ng kanyang swab test kung saan negatibo naman ito sa coronavirus.

Nabatid ang nasabing test result na lamang ang hinihintay para mapa-deport sa pinanggalingan nito sa Amerika.

Pasado alas-5:00 kaninang madaling araw ay ilang gate ang nakabukas na sa Kampo Aguinaldo at kapansin-pansin ang ilang sasakyan at tauhan ng ahensya ng pamahalaan na nasa labas ng kulungan.

Marami ring van na nasa area, gayundin ang mga nagbabantay na sundalo.

Nitong araw ng Lunes nang bigyan ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pemberton.

Taong 2015 nang ma-convict ito sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jennifer Laude habang sila ay nasa motel sa Olongapo.