-- Advertisements --

Inamin ng Pinoy boxer na mukhang mahihirapan siya sa kanyang laban ngayong darating na Pebrero 25 sa Calape Bohol kontra sa pambato ng Thailand na si Kumpha Aryamueang para sa WBO Oriental Youth Minimumweight Title.

Sa panayam ng Star Fm Cebu kay Shane Gentallan na tubong Bohol, sinabi nitong wala siyang ideya kung paano makipaglaban sa taas ng ring si Aryamueang dahil aniya wala siyang nakikitang mga videos o artikulo kaugnay nito.

Gayunpaman, matinding paghahanda pa rin ang kanyang ginagawa ngayon para maipanalo ang laban.

Sinabi pa ng 24 anyos na Boholano na kung magkakaroon ito ng tsansa ay patutumbahin niya ang dayuhan via knockout.

Sakaling manalo sa laban, ito pa umano ang kanyang magiging kauna-unahang belt.

Samantala, balak din umano nitong dumayo sa ibang bansa sa hinaharap para ipakita ang galing at kakayahan ng isang Pinoy sa larangan ng boksing.

Sa kasalukuyan, parehong undefeated ang dalawa kung saan si Gentallan ay mayroong record na 6 wins, 0 loss, 3 KO habang ang pambato ng Thailand ay may 5 wins, 0 loss, 4 KO.

Humihingi naman ito ng dasal na maipanalo ang laban at umaasang patuloy pa rin itong susuportahan ng mga Pinoy.