Umapela nang pagkakaisa ang ilang atletang Pilipino para sa delegado ng Pilipinas na lalahok sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.
Sa kanilang mga social media accounts, nanawagan sina Alejandro Baldo Jr., dating Philippine Azkals U22 team member; Chris Tiu, dating team captain ng Gilas Pilipinas national team; at Anton Cayanan, member ng Philippine Badminton Team, na suportahan ang mga atletang Pilipino na sasabak sa biennial sporting competition.
Ginawa nila ito sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos na natatanggap ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil sa mga aberyang naranasan ng ilang international teams na dumating sa bansa magmula noong Nobyembre 23.
Sinabi ni Baldo na sa halip hanapan ng butas at mali ang iba, ang marapat na gawin sa ngayon ng publiko ay suportahan ang Team Philippines.
Sa video nilagay ni Baldo sa kanyang social media account, ipinakita nito ang pagsiksikan nila sa double-decker bus sa Bangkok, Thailan papunta sa kanilang tutuluyang hotel.
“Dahil wais tayong mga Pinoy imbis na magalit at magreklamo ginawa na lang natin to sa pinakamasayang experience,” ani Baldo.
Naranasan din aniya nila na magkaroon ng aberya mula sa transportasyon hanggang sa pagkain kapag sumasabak sa international sports events, subalit ang mas mahalaga sa kanila ay ang laro kaysa mga problemang ito.
Ibinahagi naman ni Cayanan ang karanasan nito nang maglaro sa 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan nagkaroon din ng delay sa kanilang transportation at dinala rin sa maling hotel.
“For sure di lang kami ang sports na nakaranas ng mga pagkukulang noong 2017 SEAG”, dagdag pa ni Cayanan.
Samantala, tinukoy naman din ni Tiu ang ilang aberya na personal niyang naranasan bilang dating sports delegates.
“Sports is certainly a great platform to inspire the youth, promote good values and unite a nation. Let us not use it to divide us” ani Tiu.
Kaya nanawagan ang tatlo na sa halip magpakalat ng negatibo at kritisimo online, ang higit na kailangan sa ngayon ng Team Pilipinas ay ang pagkakaisa at suporta mula sa sambayanang Pilipino.