-- Advertisements --

Napapabalik-tanaw ang beauty queen na si Rowee Lucero ngayong nakauwi na sa Pilipinas, matapos sumabak sa Miss Globe 2020 sa Albania.

Sa nasabing pageant, tinanghal na fourth runner-up ang pambato ng bansa ngunit hindi na umano kinikilala ng pamunuan ng Binibining Pilipinas.

Pag-amin ng Pinay Miss Globe runner-up, diniskwalipika siya bilang “binibini” candidate dahil hindi pala siya pinayagan na bumiyahe sa Albania lalo’t laganap pa ang coronavirus.

Gayunman, nagpaalam pa rin aniya siya ng maayos dahil nais subukan ang kapalaran na maibigay ang pangalawa sanang korona para sa bansa.

“Nauunawaan ko naman po sila at feel ko naman ang concern ng BPCI (Bb. Pilipinas Charities Inc) sa aming candidates,” saad nito sa media. “Tumawag ang organizers ng Miss Globe sa akin kung puwede raw ba ako sumali. Sumulat ako sa BPCI para magpaalam ng maayos pero hindi po sila pumayag. But I took the risk. Bahala na. Dalawa lang ang mission ko sa pageantry: to compete in Bb. Pilipinas and wear the Philippines sash abroad. Nang kumatok ang Miss Globe sa akin, I told myself opportunity na ito and I grabbed it. Nag-yes na ako.”

Sa ngayon ay naka-self quarantine ang Bulakena beauty sa kanilang bahay at iginiit na walang nilabag sa kontrata sa Binibining Pilipinas.

May isang Miss Globe crown pa lamang ang Pilipinas na nasungkit noong 2015 sa pamamagitan ni Anne Lorraine Colis.

Habang noong nakaraang taon ay nagtapos sa second runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Leren Mae Bautista.

Kung maaalala, sa parehong pageant din rumampa ang Pinay volleyball star na si Michele Gumabao noong 2018 kung saan siya ay nakaabot hanggang sa Top 15.

Sumabak si Gumabao sa first ever Miss Universe Philippines ngunit bigo itong magwagi bilang sunod na kinatawan ng bansa sa Miss Universe.