CAGAYAN DE ORO CITY – Mainit na sinalubong ng kanyang mga kababayan ang 2021 Miss Intercontinental titleholder na si Cindy Obeñita sa kanyang “fairy tale homecoming” sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.
Ito’y ilang linggo matapos na masungkit ni Cindy ang pangalawang korona para sa Pilipinas mula sa tagisan ng talino at ganda sa Egypt nitong Oktubre 2021.
Bago tumuloy sa Apple Tree Resort and Hotel ang 25-anyos na Cagayan de Oro beauty queen, nag-motorcade muna ito mula sa Laguindingan Airport hanggang sa bayan ng Opol na kapwa nakabase sa Misamis Oriental kahapon ng hapon.
Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ni Cindy sa pagsalubong ng kanyang pamilya, mga katrabaho, supporters at iba pang kakilala.
Matapos dumalo sa lingguhang flag raising ceremony ng provincial government via zoom ang beauty queen, humarap naman siya sa local media ngayong araw.
Si Cindy ay naparito sa lungsod para bibisitahin ang ilang bayan ng Misamis Oriental na bahagi ng kanyang trabaho bilang reigning Miss Intercontinental 2021.
Ito ang kanyang pangalawang homecoming- una ay nang manalo bilang Binibining Pilipinas-Intercontinental dahilan na siya ang kumakatawan sa Pilipinas sa naturang kompetisyon.