NAGA CITY- Isang Pinay na tubong Calabanga, Camarines Sur ang umano’y nasa ospital ngayon sa Saudi Arabia matapos bugbugin ng sariling amo.
Kinilala ang biktima na si Mrs. Avila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Eduardo Severo, sinabi nitong isang nurse mula sa pinagdalhang ospital sa nasabing Pinay OFW ang nagpaabot ng impormasyon sa pamilya ng nasabing biktima.
Nagpadala umano ng larawan ang nasabing nurse ng kalagayan ng nasabing Pinay habang nasa ospital kung saan marami itong sugat at pasa sa katawan.
Ayon kay Severo sa kanilang inisyal na imbestigasyon, walong buwan pa lamang mula ng umalis at nagtrabaho sa ibang bansa si Avila.
Sa ngayon, nakipag-ugnayan na aniya ang lokal na pamahalaan ng Calabanga sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Naga para matulungang maiuwi na sa bansa ang nasabing OFW.