Nakabalik na sa Pilipinas ngayong araw ang unang batch ng 34 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia, matapos maisaayos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), ang kanilang pagpapauwi kasunod ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights sa Riyadh.
Dumating ang mga OFW sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Qatar Airways flight QR934 mula Doha, matapos bumiyahe mula Al Qassim, Saudi Arabia.
Sa kanilang pagdating, nagbibigay ang OWWA Repatriation and Assistance Division (RAD) ng airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan, at domestic flight assistance para sa mga uuwi pa sa kanilang probinsya, batay sa kani-kanilang pangangailangan.
Bago ang kanilang pag-alis, personal silang inasikaso ng OWWA Riyadh team sa pamamagitan ng pre-flight orientation, transportasyon, pagkain, pansamantalang matutuluyan, at paggabay sa mga kinakailangang proseso.
“Sa panahon ng pangangailangan, mahalagang mabilis at maingat tayong kumilos. Nauunawaan natin ang pangamba ng ating mga OFW at ng mga pamilyang naghihintay sa kanilang pag-uwi. Kailangan nila ng malinaw na impormasyon, agarang tulong, at katiyakang may makikinig at aalalay sa kanila,” pahayag ni OWWA Administrator Patricia Yvonne M. Caunan.
Batay sa kasalukuyang iskedyul ng mga biyahe, inaasahang darating bukas, Oktubre 20, ang 65 pang OFW: 50 manggagawa mula Al Qassim at 15 kababaihang OFW na nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga at bibiyahe mula Dammam.
Ang pagpapauwi ay alinsunod sa bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng Saving Lives pillar ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program. Ginagamit ng OWWA ang supplemental Emergency Repatriation Fund (ERF) para sa repatriation operations at kaugnay na welfare assistance.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, katuwang ang Philippine Embassy at Migrant Workers Office (MWO) sa Riyadh, upang maisaayos ang mga susunod na biyahe at maibigay ang kinakailangang suporta sa iba pang OFW na naghihintay makauwi.















