-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Arestado sa isinagawang checkpoint ang isang pinaniniwalang rebelde matapos na mahulihan ng armas sa mismong araw ng Kapaskuhan sa Brgy. Bangon, Aroroy, Masbate.

Kinilala ang suspek na si Junie Fabon “Ka Ervin”, 20-anyos na residente ng Brgy Balete, Aroroy, Masbate.

Sinasabing kasapi si Fabon ng Communist Terrorist Group (CTG), Larangan 1, KOMPROB 4, Special Partisan Unit (SPARU), sa ilalim ng pamumuno ng Eddie Rosero Command alyas “Ka Star”.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa ng intelligence operation ang pinag-isang pwersa ng Aroroy Municipal Police Station, Police Intelligence Branch, Military Intelligence Company (MICO), 2nd Infantry Batallion at Intelligence Unit 5 upang ma-monitor ang mga lawless element kaya’t nahuli ang nasabing suspek.

Nakumpiska rito ang isang caliber .45 pistol na laman ang walong bala.

Agad namang dinala si Fabon at mga nakumpiskang ebidensya sa kustodiya ng Aroroy PNP para sa karampatang disposisyon.