Pinangalanan ng North Korea ang isang nangungunang nuclear negotiator bilang unang babaeng foreign minister ng bansa.
Ito ay sa gitna ng mga babala mula sa US na naghahanda ang Pyongyang na magsagawa ng nuclear test.
Ang career diplomat na si Choe Son Hui (Che San Hi) ay hinirang sa isang plenary meeting ng Central Committee ng Workers’ Party na pinangangasiwaan ng North Korean leader na si Kim Jong Un.
Ang kanyang appointment ay dumating sa panahon ng tensyon sa Korean Peninsula habang ang North Korea ay agresibong pinapalakas ang programa nito sa weapons testing bilang pagsuway sa mga parusa ng United Nations.
Noong Martes, nagbabala si US Special Representative for North Korea Policy Sung Kim na naniniwala ang Washington na naghahanda ang North Korea na magsagawa ng ikapitong nuclear test — na magiging una nito mula noong 2017.
Magugunitang ang ang North Korea ay nagsagawa ng 17 missile launches ngayong taon lamang, kabilang ang dalawang matagumpay na pagsubok ng ipinapalagay na intercontinental ballistic missiles.