LAOAG CITY – Umakyat na sa 265 ang kabuuang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa probinsiya ng Ilocos Norte.
Ito ay matapos maitala ang pinakamalaking bilang ng bagong kaso sa loob ng isang araw na aabot sa 31.
Ito ay kasabay din ng unang araw ng pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lungsod ng Laoag.
Pinakamari sa mga nagpositibo ay returning residents na may 14 ang bilang, walo ang returning overseas Filipino habang ang natitirang siyam ay pawang mga local resident sa probinsiya.
Kaugnay nito, 20 residente sa lungsod ng Laoag ang kabilang sa mga nagpositibo dahilan para aabot na sa mahigit 70 ang bilang ng kaso sa Laoag.
Samantala, dalawa ang mga naitalang symptomatic na kasalukayang nananatili sa ospital habang ang iba ay pare-parehong mga asymptomatic at nanatili naman sa mga isolation facilities.
Sa ngayon ay hindi pa malaman kung saan nakuha ng mga pasyente ang virus ngunit apat sa mga ito ang may exposure sa mga nauna ng naitalang kaso.
Kahapon ay nagsimula ang pagpapatupad ng MECQ sa lungsod ng Laoag dahil sa mabilis at patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.










