-- Advertisements --

Nakatakdang magtitipon-tipon ang pinakamalaking koalisyon ng non-government organizations, people’s organization at mga kooperatiba na nagsusulong ng social development sa Pilipinas para sa Social Development Week 2022 at 7th Congress simula Oktubre 24 hanggang October 28, 2022.

Sinabi ng Caucus of Development NGO Networks (CODE-NGO) na tatalakayin sa event, na may temang “Magpakahusay: Strengthening Civil Society in a Democracy in Flux”, ang mga pagkilos at direksiyon na tatahakin para mabawi ang sama-samang lakas kasunod ng 2022 national at local elections.

Pag-uusapan din sa event ang mahahalagang isyu at titingnan ang kasalukuyan at hinaharap na sitwasyon mula sa iba’t ibang anggulo, ngayong inaasahan na tutularan ng kasalukuyang administrasyon ang tinatawag na authoritarian playbook na popular sa mayorya ng Pilipino.

Bukas, Oktubre 24, gagawin ang pagbubukas ng plenaryo session ng 7th Congress kung saan tatalakayin ang sitwasyon ng demokrasya sa bansa pagkatapos ng halalan nitong Mayo.

Patutunayan din ang resulta ng mga katatapos na pag-aaral ukol sa ugali ng mga Pilipino pagdating sa pagboto, at pag-uusapan ang mga posibleng paraan para mapalakas ang mga demokratikong prosseso tulad ng eleksiyon.

Sa sumunod na araw, tututukan naman ang pag-o-organisa sa mga komunidad at mga hamon na maaaring kaharapin ng mga NGO habang ginagampanan ang kanilang trabaho.

Isang public forum naman ang gagawin sa Oktubre Oct. 27 kung saan pag-uusapan ang tinatawag na CSO sustainability sa bansa, pati na ang echo chamber, misinformation at disinformation.

Tutuldukan ang Social Development Week 2022 ng 7th Congress kung saan naimbitahang panauhing tagapagsalita si Senadora Risa Hontiveros.

Para makasabay sa mga pagbabago ng panahon, inamyendahan kamakailan ng CODE-NGO ang Covenant on Philippine Development nito kasabay ng pagbabago sa Development and Reform Agenda at Democracy Agenda at pagbuo ng Strategic Plan nito para sa 2023 hanggang 2027.