-- Advertisements --

Ipinahayag ni Senate President Vicente ”Tito” Sotto III na agad aaksyunan ng Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na maipasa ito ng Kamara de Representantes.

Ayon kay Sotto, ang salitang “Forthwith” ay nangangahulugang kikilos ang Senado sa susunod na araw matapos matanggap ang impeachment articles.

Dahil dito, nagpatawag siya ng pulong sa mga senador upang paghandaan ang posibilidad na maging impeachment court.

Nauna nang nagpasya ang House Justice Committee na may sapat na basehan ang mga reklamong impeachment laban kay Sara Duterte.

Susunod na tatalakayin ito sa plenaryo ng Kamara, kung saan pagbobotohan ng mga mambabatas kung aaprubahan ang rekomendasyon.

Kapag naaprubahan, magiging opisyal na Articles of Impeachment ang reklamo at ipapasa ito sa Senado, na magsisilbing hukuman sa paglilitis.

Ang mga senador ang tatayong mga hukom upang alamin kung may sapat na ebidensiya para patalsikin sa puwesto ang bise presidente.

Samantala, nilinaw ng Supreme Court of the Philippines na ang “forthwith” sa Konstitusyon ay nangangahulugang “within a reasonable time,” at hindi umano agad-agad.

Layunin umano nito na mabigyan ng sapat na panahon ang Senado upang makapaghanda bilang impeachment court, ngunit dapat iwasan ang hindi makatarungang pagkaantala.

Iginiit naman ni Sotto na hiwalay ang interpretasyon ng Korte Suprema sa aktwal na proseso ng Senado, bilang isang co-equal branch ng pamahalaan.