Uumpisahan na sa Setyembre 1 ang paggamit ng videoconferencing technology na isang paraan sa pagkuha ng remote testimony sa mga akusadong sangkot sa kasong kriminal.
Ito ay kasunod na rin ng pag-apruba ng Supreme Court (SC) sa Videoconferencing Technology Guidelines for Inmates.
Sa resolusyong may petsang June 25, 2019, inaprubahan ng Court En Banc ang A.M. No. 19-05-05 o ang proposed Guidelines on the Use of Videoconferencing Technology for the Remote Appearance or Testimony of Certain Persons Deprived of Liberty in Jails and National Penitentiaries.
Ang guidelines na pinamunuan ni Special Committee chair Associate Justice Diosdado M. Peralta ay layong matiyak na mapangalagaan ang constitutional rights ng mga akusado sa court proceedings o ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na nakatiditine sa mga district, city o provincial jail o national inmate na nakapiit sa national penitentiary.
Ang videoconferencing technology ay makakatulong din sa kaligtasan at seguridad ng mga inmates at ang health risks ng mga bilanggo na may karamdamang dadalo sa hearing.
Posible raw kasing malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga judges, court personnel at maging ng publiko kapag padadaluhin pa sa hearing ang mga inmate na may malubhang sakit.
Ang guidelines ay isasagawa sa loob ng dalawang taon sa Davao City Hall of Justice at Davao City Jail, Special Intensive Care Area (SICA), Camp Bagong Diwa, Bicutan at sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.