-- Advertisements --

Nakibahagi ang Pilipinas sa mahigit 65 bansa sa panawagang palakasin ang proteksyon sa United Nations (UN) peacekeepers sa Lebanon kasunod ng mga nakamamatay na pag-atake. Ipinahayag ito sa isang joint statement sa UN Headquarters, kung saan kinondena ang mga insidenteng ikinasawi ng tatlong Indonesian peacekeepers at ikinasugat ng ilan pang tauhan mula sa iba’t ibang bansa.

Binigyang-diin ng grupo na hindi dapat targetin ang mga peacekeepers dahil labag ito sa international law at maaaring ituring na war crime. Nanawagan din sila ng agarang imbestigasyon at pananagutin ang mga responsable.

Nagpahayag din ng pag-aalala ang mga bansa sa lumalalang humanitarian crisis sa Lebanon, kabilang ang maraming nasawi at mahigit isang milyong lumikas. Hinimok ang lahat ng panig na mag-de-escalate at bumalik sa negosasyon upang maibalik ang kapayapaan. (report by Bombo Jai)