-- Advertisements --

Patuloy na nakikipagtulungan ngayon ang Pilipinas sa iba pang mga bansa para sa ligtas na pagpapalaya sa 17 Filipino seafarers na biktima ng hostage taking ng isang Yemeni rebel group na Hothi sa Red Sea.

Ayon kay Department of Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, mayroon nang koordinasyon ang kanilang kagawaran sa mga foreign government na makakatulong aniya sa ligtas na pagpapauwi sa mga tripulanteng bihag ng naturang rebeldeng grupo.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na sa ngayon ay nabatid nilang nananatiling nasa mabuting kalagayan ang naturang mga seafarers.

Ngunit sa kabila nito ay sinabi rin ng opisyal na nakatanggap sila ng mensahe mula sa rebeldeng Houthi na patuloy nilang bibihagin ang barkong pag-aari ng Israel hangga’t patuloy na sinasakop at sinasalakay ng Israel ang Gaza.

Dahl dito ay puspusan ang pagsusumikap ngayon ng pamahalaan upang matiyak na mapapalaya at ligtas na makakabalik sa bansa ang naturang 17 Pinoy seafarers.