Ibinunyag ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na Pilipinas ang pang-apat na bansa na may pinakamaraming tuberculosis incidence sa buong mundo.
Ang ilan sa mga itinuturing na dahilan ni Herbosa ay ang hindi pagpapagamot ng mga tao sa mga barangay centers dahil takot umano itong mahusgahan. Nagkakaroon din daw ng kakulangan sa supply ng libreng gamot kaya ang mahihirap na pasyente ay napipilitang itigil ang gamutan.
Dahil dito, sisikapin daw ng Department of Health na magkaroon na ng sapat na gamot na accessible sa mga barangay para masunod ang full six-month treatment regimen na kinakailangan para gumaling sa sakit na TB.
Hinimok niya rin ang publiko na huwag mahiyang pumunta sa kanilang lokal na health centers para magpatingin at magpagamot dahil importante umanong matapos ang gamutan para hindi na kumalat ang sakit at maiwasan ang antibiotic resistance.
Dagdag pa ni Herbosa, mas madali na ngayong malaman kung may sakit na TB ang isang tao dahil mayroon ng molecular testing na katulad ng PCR test sa COVID-19.
Binigyang diin din ni Herbosa na target ng kanilang ahensiya na wala ng Pilipinong mamamatay sa Tuberculosis dahil ito ay nagagamot.