-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine Coast Guard na hindi gagawa ang Pilipinas ng anumang agresibong aksyon laban sa China sa West Philippine Sea.

Ito ay sa kabila ng sunud-sunod at paulit-ulit na mga pangharass ng mga barko ng China sa mga barko ng ating bansa sa naturang teritoryong nasasakupan ng Pilipinas.

Ayon kay PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, ito ay alinsunod sa naging direktiba sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag na huwag maging agresibo sa laban sa China nang dahil sa mga posibleng mga consequences na kapalit nito.

Aniya, hinding-hindi lelebel ang Pilipinas sa China sa ganitong uri ng pamamaraan.

Bukod dito ay aminado rin ang opisyal na baka sa oras na gumanti ng pagiging agresibo ang Pilipinas ay magsagawa ng counter respond ang China na posible aniyang hindi rin natin kayanin.

Bukod dito ay binigyang-diin di ni Tarriela na hinding-hindi rin gagamit ng anumang armed aggression ang ating kasundaluhan bilang ganti sa mga pangbubully ng China sa mga barko ng ating bansa sa WPS.

Samantala, kaugnay nito ay ipinunto rin ng opisyal na hindi rin magsisimula ng anumang armed attack ang China laban sa Pilipinas sapagkat batid nito na ito ay posibleng magmitsa ng Mutual Defense Treaty ng ating bansa sa Estados Unidos.

Kung maaalala, ilang araw matapos ang magkasunod na insidente ng pangbobomba ng tubig ng China sa mga barko ng Pilipinas sa bahagi ng Ayungin at Bajo de Masinloc shoal ay magkakahiwalay na nakipagpulong ang ilang opisyal ng ating pamahalaan partikular na sina DND Sec. Gilberto Teodoro Jr., AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., at NSA assistant director general Jonathan Malaya sa kanilang mga counterpart para muling pagtibayin ang alyansa ng Pilipinas sa iba’t-ibang mga kaalyado nating bansa.