Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi naka-depende ang Pilipinas sa isang bakuna lang laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng patuloy na usapin ukol sa isinusulong na clinical trials ng Russian-developed vaccine na Sputnik V dito sa bansa.
“Gusto lang natin klaruhin kasi parang lumalabas na itong lang sa Russia na vaccine ang ating pinag-uusapan. What we have right now we are discussing and exploring avenues,” aniHealth Usec. Maria Rosario Vergeire.
Bukod sa Gamaleya Research Institute sa Russia, nakikipag-ugnayan din ang sub-technical working group for vaccines, na pinangungunahan ng DOST, sa manufacturers ng 16 na iba pang bakuna na nasa iba’t-ibang level ng trials.
Nakikipag-usap na rin daw ang DOST sa manufacturers ng siyam na bakunang pinag-aaralan sa ilalim ng COVAX (COVID-19 Vaccines Global Access) Facility. May sasalihan din daw na hiwalay na trials ang Pilipinas sa ilalim ng World Health Organization.
“All of these are being explored, lahat ng mga pwedeng magkaroon ng ganitong pagkakataon na makasali tayo sa clinical trials nila ay in-explore ngayon ng gobyerno. We are not specific doon sa Russian vaccine lang.”
Sa ngayon, aprubado pa lang daw ang Sputnik V bilang emergency use vaccine sa mga healthcare workers sa Russia.
Samantala, hinihintay din umano ng pamahalaan ang pangako ng Estados Unidos na supply ng kanila ring developed-vaccine ng kompanyang Moderna na nasa stage 3 na rin ng clinical trial.
“Ang earliest is the second quarter pa ng 2021, so yun yung aabangan natin.”
Lumalakad naman na raw ang pakikipag-usap ng sub-technical working group para sa public-private partnership bilang paghahanda sa posibleng local manufacturing ng mapapatunayang epektibong COVID-19 vaccine.
Kasalukuyan din umanong pinag-aaralan ng Asian Development Bank ang posibilidad nang tuluyang pagtatayo ng Vaccine Institute sa Research Institute for Tropical Medicine.