-- Advertisements --
image 243

Tinatrabaho na raw ng gobyerno ng Pilipinas at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang pondo para sa susunod na tranches para sa Metro Manila Subway project.

Sinabi ni Japan International Cooperation Agency president Tanaka Akihiko na ang pondo para sa subway project ay nakadenpe pa rin naman sa usapan ng dalawang bansa.

Hindi naman daw niya alam ang eksaktong petsa ng pagpirma sa kasunduan pero umaasa itong nalalapit na rin ang pagpirma rito.

Sa ngayon, ang gobyerno ng Pilipinas at Japan International Cooperation Agency ay nakapirma na ng dalawang tranches ng loan agreements.

Ang unang tranche ay nagkakahalaga ng ¥104.53 billion o P47.58 billion na napirmahan noong March 2018.

Habang ang ikalawang tranche naman na nagkakahalaga ng ¥253.31 billion o P112.87 billion ay pinirmahan noong February 2022.

Ayon naman kay Kuronuma Kenji, ang Japan International Cooperation Agency Philippines senior representative hindi naman daw fix ang tranches ng loan funding.

Tiniyak naman ni Japan International Cooperation Agency Philippines chief representative Sakamoto Takema na susunod ang ahensiya sa diplomatic process sa naturang loan.

Dagdag nito, ang signing ng susunod na tranches ng loan agreements para sa naturang proyekto ay depende pa rin sa bilis ng progress ng civil works sa ground.

Ang Metro Manila Subway ay mayroong kabuuang project cost na P488.48 billion o ¥1.08 trillion.

Ang karamihan sa pondo naman ay manggagaling sa Japan International Cooperation Agency na mayroong 75.9 percent p P370.77 billion.

Habang ang pondong manggagaling sa Pilipinas ay nasa 24.1% o P117.71 billion.

Kung maalala, sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang tunneling work para sa subway project ngayong buwan.

Una nang sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na plano ng gobyerno na i-award ang lahat ng contract packages para sa P488-billion project ngayong 2023.

Sa ngayon, nakapag-award na ang DOTr ng apat na contract packages para sa naturang proyekto.

Kabilang na rito ang CP 101, na sakop ang apat na stations partikular ang East Valenzuela, Quirino Highway, Tandang Sora at North Avenue.

Ang depot naman at ang Philippine Railway Institute Building ay nakuha ng joint venture na pinangungunahan ng EEI Corp.

Kasama pa rito ang CP 102 at kasama rito ang stations ng Quezon Avenue at East Avenue na nakuha naman ng D.M. Consunji Inc.

Ang CP 103 naman ay naibulsa ng Sumitomo Mitsui Construction Co. Ltd. at kasama rito ang stations mula Anonas hanggang Camp Aguinaldo at ini-award naman ang Megawide Construction Corp sa CP 104 na sakop ang Ortigas hanggang sa Shaw Boulevard segment.

Ang kauna-unahang subway rail system sa bansa ay bahagi ng dating flagship infrastructure program na “Build Build Build” ng Duterte administration.

May haba itong 33 kilometers at may 17 stations.

Layon ng naturang project na maibaba ang travel time mula North Avenue sa Quezon City hanggang Ninoy Aquino International Airport mula sa dating isang oras at 10 minuto sa 35 minuto lamang.

Sakop nito ang Valenzuela, Quezon City, Pasig, Makati, Taguig, Parañaque at Pasay.

Ang naturang linya ay mayroong initial capacity na aabot sa one million passengers sa isang araw.