BUTUAN CITY – Labis ang kasiyahan ni House Deputy Speaker at Surigao del Sur 1st District Rep. Prospero “Butch” Pichay, Jr. matapos absuweltuhin ng Sandiganbayan sa kasong graft at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standard.
Sa 24-pahinang desisyon, binawi ng anti-graft court ang unang desisyon nito, partikular noong October 23, 2020, kung saan hinatulan ang incumbent Surigao del Sur congressman at dalawang co-accused nito sa paglabag sa RA 3019 at RA 6713.
Nag-ugat ang kaso noong mag-sponsor si Pichay sa panahong siya pa ang chairman ng Local Water Utilities Administration (LWUA), ng chess tournament sa halagang 1.5-milyong piso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Pichay na walang mali sa kanyang ginawa dahil nagsuporta lamang siya sa sporting event.
Ayon pa kay Pichay, proud siya sa kanyang pagsuporta sa mga sporting events lalo na noong presidente pa ito ng National Chess Federation dahil naka-produce siya ng iilang mga world champions.