-- Advertisements --

Target ng Pilipinas na mapalakas pa lalo ang quarantine facilities para sa mga indibidwal na tinamaan ng COVID-19, lalo pa na sa mga nakalipas na linggo ay patuloy na tumaas ang mga naitalang bagong kaso ng infections.

Ayon kay isolation czar at Public Works Secretary Mark Villar, target ng pamahalaan na taasan ang bilang ng mga quarantine facilties sa 720 units o katumbas ng 26,259 beds ngayong buwan.

Sa ngayon, nabatid na ang Pilipinas ay mayroong kabuuang 9,734 temporary treatment at monitoring facilities, na mayroong bed capacity na 128,037.

Ang pinakamataas na occupancy rate naman ay naitala sa National Capital Region, kung saan 66.17% ng 6,985 beds ang okupado hanggang noong Abril 11.

Ayon kay Villar, nakatutok sila ngayon sa NCR dahil sa naturang rehiyon ang pinakamataas na occupancy rate.

Sunod sa NCR ang Region II na may 48.97% na occupancy, Cordillera Administrative Region (CAR) na mayroong 40.32%, Region I na may 31.19%, Region III na may 30.58%, at Region IV-A na may 24.46%.