Nagpaalala ang Philippine Consulate sa Hong Kong sa mga overseas Filipino worker (OFW) na mahigpit na sundin ang visa conditions upang maiwasan ang kaso, multa at pagkakakulong.
Partikular na pinaalalahanan ang mga OFW na kabilang sa Foreign Domestic Helper Scheme at Enhanced Supplementary Labor Scheme na maaari silang makasuhan ng ”Breach of Condition of Stay” kung papasok sa ibang trabaho na wala naman sa kanilang Standard Employment Contract.
Ayon sa Konsulado, maaaring maging paglabag ito, basta hindi kabilang sa kanilang Schedule of Work.
Kasama rin sa maaaring pagmulan ng kaso ang pag-overstay o pananatili sa Hong Kong na lampas sa itinakdang panahon ng kanilang pananatili.
Gayunpaman, nilinaw ng Konsulado na hindi sakop ng naturang patakaran ang mga permanent resident ng Hong Kong na may Right of Abode.
Batay sa Hong Kong Immigration Ordinance Section 41, ang mapatutunayang lumabag sa Breach of Condition of Stay ay maaaring pagmultahin ng hanggang HK$50,000 at makulong nang hindi baba sa dalawang taon.
Dahil dito, hinimok ng Konsulado ang mga OFW na tiyaking sumusunod sila sa kanilang visa conditions.
















