-- Advertisements --

Hindi problema para sa pamahalaan na gumastos para sa inilalaang alokasyon sa itinutulak na Bayanihan 3 sa Kongreso, ayon sa ekonomista na si Marikina Rep. Stella Quimbo.

Kung titingnan, mayroong P1.6 trillion pang cash balance ang pamahalaan hanggang noong Nobyembre 2020, kaya walang problema aniya sakaling gumastos ang pamahalaan ng P420 billion para sa ikatlong economic stimulus.

Kasabay nito ay umaasa si Quimbo na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 3-bill, na inihain niya at ni Speaker Lord Allan Velasco para mapalakas ang economic recovery ng bansa mula sa negatibong epekto na dulot ng COVID-19 pandemic.

Binigyan diin ng kongresista na kailangan gumastos ng pamahalaan ng malaking halaga upang sa gayon maiwasan ang tinatawag na “staglfation” kung saan hindi gumagalaw ang ekonomiya ng bansa habang mataas ang inflation.

Hindi aniya sapat ang ginastos ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan 2 na P165 billion at ang P250 billion COVID-19 response items na nakapaloob naman sa ilalim ng 2021 national budget para tugunan ang economic losses noong nakaraang taon, na tinatayang aabot sa P3.02 trillion.

Kasabay nito, umaapela ang kongresista sa mga kiritko ng Bayanihan 3 na alamin at ikonsidera ang magandang idudulot ng naturang panukala para sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa.